MANILA, Philippines - Dalawang lalaking pinaniniwalaang biktima ng salvage ang natagpuan sa magkahiwalay na lugar sa Caloocan City. Ang mga hindi nakikilalang biktima ay inilarawan lamang ng mga pulis na may edad na 25 hanggang 35-anyos, 5’4” ang taas, nakasuot ng six pocket na brown shorts at may silver wedding ring na may pangalang Grace, habang ang isa naman ay tinatayang nasa pagitan ng 35 hanggang 40, may taas na 5’6” at maliit ang katawan. Unang natagpuan ang isa sa biktima sa may Chico St., Brgy. 178, Camarin, habang ang ikalawa naman ay sa Atis St., Asconvill, Brgy. 185, Malaria ng nasabing lungsod. Kapwa nagtamo ang mga ito ng maraming saksak sa iba’t ibang bahagi ng katawan. May nakuhang karton sa katawan ng mga biktima kung saan nakasulat ang mga katagang “Huwag tularan holdaper waway” at “Huwag tularan akyat-bahay”.