MANILA, Philippines - Aabot sa P1.8 milyong halaga ng mga alahas at personal na kagamitan ang natangay ng dalawang miyembro ng hinihinalang ‘Dugo-dugo gang’ mula sa isang negosyante makaraang lansihin ng mga ito ang isang kasambahay kamakalawa ng hapon sa Quezon City.
Agad namang nagsampa ng reklamo sa pulisya ang negosyanteng si Menchu Cobarrubias, 43, ng Cypress St., Ferndale Homes, Brgy. Pasong Tamo sa lungsod.
Batay sa inisyal na imbestigasyon ng pulisya tinatayang nasa pagitan ng ala-1 hanggang alas-4 ng hapon naganap ang insidente matapos umalis ng bahay ang buong pamilya ni Cobarrubias at naiwanan lamang ang dalawang katulong na sina Armida Amado at Gerly Tejada sa bahay .
Ayon kay Armida nakatanggap siya ng tawag sa telepono na boses ng isang babae at kinumbinsi siyang sirain nito ang lalagyan ng mga alahas ng kanyang amo na ipinakukuha raw ng nasabing amo.
Dahil dito agad namang sumunod ang batang katulong at kinuha nito ang iba’t ibang kagamitan at mga alahas ng amo at dinala sa isang parke sa Quezon City kung saan inutos na dalhin ng kausap sa telepono.
Pagdating doon sinalubong umano ng isang babae at isang lalaki ang katulong bago kinuha ang mga alahas matapos magpakilala na dadalhin na lang daw ito sa kanilang amo.
Pag-uwi ng katulong sa bahay dumating ang kanyang amo at nagtatakang hinanap nito ang mga alahas at ibang mga kagamitan sa katulong.