MANILA, Philippines - Nagtalaga na ang Department of Transportation and Communications (DOTC) ng bagong Chairman ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB).
Si DOTC Assistant Secretary for administrative and legal affairs Raquel Desiderio ay itinalaga ng DOTC bilang LTFRB OIC para pansamantalang palitan sa puwesto si LTFRB Chairman Nelson Laluces na may halos isang buwan nang hindi pumapasok sa kanyang opisina dahil sa problema sa kanyang kalusugan.
Sinasabing ang hindi pagpasok ng ilang linggo ni Laluces ay nagdulot ng pagkaantala ng pagpoproseso sa mga dokumento sa naturang tanggapan bunga ng kakulangan ng bilang ng LTFRB board na umaksiyon sa mga transaksiyon sa ahensiya may kinalaman sa prangkisa ng mga pampasaherong sasakyan sa bansa.
Bagamat sina boardmember Atty. Manuel Iway at Engr. Samuel Garcia ay maaaring magpasa ng resolusyon sa ahensiya kahit wala si Laluces, nagkataon namang maging si Iway ay nagkaroon ng sakit at hindi rin makapasok sa opisina.
Kaugnay nito, magdadalawang linggo nang naka-bakasyon si LTO Chief Virginia Torres makaraang magtungo ng Ma lakanyang kamakailan.
Wala namang ulat kung ang pagkawala ni Torres sa kanyang opisina ay bunga ng panawagan ng Justice Department na suspendihin si Torres dahil sa umanoy pakikipag sabwatan nito sa Stradcom take over noong Disyembre.
Si LTO Exec Redentor Reyes ang pansamantalang umaaktong LTO Chief sa ngayon.