MANILA, Philippines - Dalawang miyembro ng riding-in-tandem ang nasawi makaraang makipagbarilan sa mga rumespondeng tropa ng Quezon City Police ilang segundo makaraang agawan nila ng bag ang isang ginang sa lungsod kamakalawa.
Walang nakuhang anumang pagkakakilanlan sa mga nasawing suspect.
Ayon sa ulat, nasabat ng tropa ng Police Station 10 ang mga suspect sa may Dr. Garcia Street malapit sa Panay Avenue, Brgy. Pinyahan, sa lungsod ganap na alas-10 ng gabi.
Bago nito, napag-alamang hinoldap muna ng mga suspect ang isang Rubie Jarabelo, 39, ng Waling-Waling Street, Roxas District, Quezon City habang naglalakad malapit sa naturang lugar. Sinasabing galing si Jarabelo sa isang drug store at papauwi na nang lumapit sa kanya ang isa sa apat na suspect at hinaltak ang nakasukbit na bag.
Ang malakas na sigaw ang ugat para makakuha ang biktima ng atensyon sa tropa ng pulisya na humabol sa mga suspect na sakay ng isang motorsiklo. Pagsapit sa naturang lugar ay pinaputukan umano ng mga suspect ang mga awtoridad dahilan para gumanti ang mga huli ng putok at ilang saglit pa, nakita na lang na nakabulagta ang mga una.
May narekober sa mga suspect na isang granada at isang kinakalawang na kalibre 38 baril ang mga pulis na ayon sa kanila ay indikasyon na lalaban ang mga ito at hindi papahuli ng buhay.