MANILA, Philippines - Dahil sa kawalan ng pang-boundary, winakasan na ng isang tricycle driver ang kanyang buhay sa pamamagitan ng pagbigti kahapon ng madaling araw sa Tondo, Maynila.
Batay sa report ni PO3 Efren Flores, ng Homicide Section ng Manila Police District (MPD), natagpuan ang bangkay ni Edwin Silbano, 35, ng Parola Compound, Tondo, Maynila sa loob ng isang CR ng isang karinderya sa Tondo.
Ayon kay Elizabeth Javier, may-ari ng karinderya, nagulat na lang siya nang pagpasok sa CR ay makitang nakabigti doon ang biktima gamit ang isang kulay dilaw na nylon cord.
Aniya, regular niyang kostumer ang biktima, na driver din ng kaniyang tricycle na pinapa-boundary.
Malimit din aniya itong lasing at minsan ay nasa impluwensiya pa ng droga, kaya’t madalas ding hindi nakakabayad ng boundary sa tricycle.
Naniniwala naman ang mga awtoridad na matinding problema sa buhay ang posibleng dahilan kung bakit nagpakamatay ang biktima.