Chinese national huli sa P17.5-M halaga ng shabu

MANILA, Philippines - Bumagsak sa kamay ng National Capital Regional Police Office (NCRPO) ang isang Chinese national na nahulihan ng tinatayang 3.6 kilong shabu, kamakalawa ng hapon sa Quezon City.

Sa ulat ng NCRPO na­kilala ang nadakip na si Renato Go y Ling (alyas Ato Go, Doctor Go), 49, may asawa, tubong Fu­kien, China at nanunulu­yan sa no. 500-9 Pena Ave­nue­, Sta. Mesa, Maynila.

Nakumpisa sa poses­yon nito ang tinatayang 3.6 kilong shabu na may street value na P17.5 mil­yon. Narekober rin dito ang isang cellular phone na gamit nito sa pakikipagtransaksyon, P20,000 buy-bust money, at isang silver Isuzu Altera.

Base sa ulat, isang police asset ang nagsilbing poseur-buyer kung saan nadakma ng mga operatiba ng Regional Anti-Illegal Drugs Special Operations Task Group (RAIDSOTG) si Go matapos na magka­abutan ng bayad sa shabu dakong alas-5:30 kamaka­lawa ng hapon sa tapat ng Genesis Christian School sa may Araneta Ave., Brgy. Doña Imelda, Quezon City.

Sinabi ni NCRPO chief, Director Nicanor Barto­lome na ang pagkakadakip kay Go ay resulta ng ipinatutupad nilang COPLAN “Ice Meltdown” na layong malambat lahat ng malala­king isda na sangkot sa ope­rasyon ng iligal na droga.

Si Go ang ika-10 Chinese national na naaresto ng RAIDSOTG. Nahaharap ito ngayon sa kasong paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dan­gerous Drugs Act of 2002.

Show comments