Ethel Booba nagwala, condo tinangkang sunugin

MANILA, Philippines - Nahaharap na naman sa mainit na isyu ang singer/comedian na si Ethel Booba, pero sa pagkakataong ito, hindi para umangat ang kanyang carreer, kundi maharap sa problema makaraang magwala umano ito at tangkaing sunugin ang kanyang tinutuluyang condominium sa lungsod Quezon kahapon.

Si Booba, 32, na Ethel Gabison sa tunay na buhay ay nalalagay ngayon sa interogasyon ng kagawaran ng Bureau of Fire Protection (BFP) matapos na magliyab ang kanyang inuupahang condo sa may room PO3 sa 8th floor ng Prince Jun Hotel sa kahabaan ng Timog sa lungsod.

Base sa inisyal na pagsisiyasat ng BFP, halos 1 buwan pa lang nangungupahan si Booba sa naturang condominium.

Sinasabing ganap na alas- 6:15 ng umaga nang matuklasan ng ilang kawani ng condo at barangay official sa lugar ang sunog na lamp shade at mga basag na salamin sa kusina ng inuupahang kuwarto ng komedyante.

Ang pagkakatuklas sa sunog ay matapos na iparating sa tanggapan ng barangay na may naganap na sunog sa nasabing gusali, ayon pa sa ulat.

May mga masasamang sa­lita ring nakasulat sa dingding ng kuwarto nito na indikasyon na may pinatutungkulan itong isang taong galit na galit siya.

Hindi rin makuhanan ng magandang pahayag ng mga imbestigador si Booba dahil wala ito sa sarili.

Lalo na nang tanungin siya kung bakit niya tinangkang sunugin ang kuwarto, sinabi nitong galit daw siya dahil nalaman niyang bading umano ang kanyang boyfriend na isang Romanian national na halos isang taon na niyang kasama.

Bukod dito, kaya raw niya tinangkang sunugin ang condo ay para damay-damay na silang mamamatay.

Isa pa sa kinakatwiran ng komedyante sa kanyang pagwawala ay may nakaaway daw siyang janitor sa condo na nagkakalat ng masamang balita laban sa kanya.

Sinasabing bago ang insidente, dumating ng kanyang condo si Booba kamakalawa ng gabi kasama ang kaibigang si Vern Persia at umalis ang huli ganap na alas-4 ng mada­ling-araw at iniwan ang una.

Ilang sandali pa lang nakakaalis ang kaibigan nito nang mapaulat ang nasabing panununog.

Patuloy ang pagsisiyasat ng BFP sa naturang insidente upang matukoy kung dapat bang kasuhan si Booba ng arson sa kanyang ginawa.

Show comments