MANILA, Philippines - Napasakamay na ng operatiba ng District Anti-Carnapping Unit (DACU) ng Quezon City Police ang isa sa miyembro ng carnapping syndicate matapos na maaresto ilang minuto makaraang tangayin ang isang AUV sa lungsod kahapon ng madaling araw.
Kinilala ni Police Supt. Ferdinand Villanueva, hepe ng DACU, ang suspect na si Ricardo Ocampo na kabilang sa notorious na Dela Cruz Francisco carnapping group na nag-ooperate sa Metro Manila at karatig probinsya.
Ayon kay Villanueva, naaresto si Ocampo makaraan ang maikling habulan sa pagitan ng kanilang tropa at grupo ng una kasama ang dalawa pang suspect sa may Sauyo Road, Novaliches ganap na alas-2 ng madaling araw.
Ito ay makaraang tangayin ni Ocampo at dalawa pang kasamahan ang Nissan Urvan (ZAC-449) na pag-aari ng isang Jhonny Gimenez sa North Olympus sa lungsod.
Sa pag-atake ng grupo ni Ocampo, isang security guard na nakilalang si Harry Lara ang sugatan makaraang barilin nila ito matapos tangkain silang pigilan habang itinatakas ang nasabing sasakyan. Si Lara ay ginagamot ngayon sa FEU hospital.
Sa imbestigasyon, sakay ng isang Toyota Tamaraw FX (ULZ-885) ang mga suspect ng tangayin nila ang Nissan Urvan sa bahay ni Gimenez ganap na ala-1:30 ng madaling-araw.
Ang insidente ay agad na nakarating sa impormasyon ng DACU dahilan para agad at ialarma ang buong QCPD saka rumesponde sa lugar.
Habang papatakas ang mga suspect sakay ng kanilang get away at kinarnap na Nissan Urvan ay tiyempong naispatan ang mga ito ng dalawang nagpapatrulyang mobile patrol unit sa may Quirino Avenue at dito na nga nagsimula ang habulan at ilang saglit pa ay doon nadakip si Ocampo habang nakatakas ang dalawa nitong kasamahan.
Narekober din ang Nissan Urvan ng biktimang si Gimenez matapos na iabandona ng mga suspect sa may Columbia corner Purdue St., Brgy. E. Rodriguez, Cubao Quezon City.