MANILA, Philippines - Iniligtas ng Manila Department of Social Welfare (MDSW) ang isang 12-anyos na nene na isang special child sa kamay ng pamilya nito sa Tondo, Maynila makaraang ikadena sa loob ng tatlong taon.
Kahapon ay dinala sa Philippine General Hospital-Child Protection Unit (PGH-CPU) ang batang itinago sa pangalang “Momay” ni MDSW head, Jay dela Fuente para sa medical at psychological examination, habang pinag-aaralan pa kung sasampahan ng kasong kriminal ang ina nito na kinilalang si Elizabeth at nakatatandang kapatid na si Raymart, ng Pilar St., Tondo, Maynila.
Nabatid na nang i-rescue at nadatnan ang bata na nakahubo, nakakadena, bukod pa sa taling lubid sa mga paa nito, na parang hayop na dumudumi na lamang sa kanyang maliit na tulugang papag.
Nagwala pa umano si Raymart dahil ayaw umano nitong pumayag na kunin ng grupo ni Dela Fuente at ng District Special Project Unit (DSPU) ng Manila Police District na pinamumunuan ni C/Insp. Nicolas Piñon sa bahay ang bata at idiniretso sa Ospital ng Maynila.
Sinabi ni Dela Fuente na personal na nagtungo kay Manila Mayor Alfredo S. Lim at sa kanyang tanggapan sa Manila City Hall si Barangay 201, Zone 18, District II Chairman Alex Ng hinggil sa miserableng kondisyon ng bata kaya agad nila itong kinuha.
Sa loob umano ng 3 taon ay doon na lamang nakakadena ang bata, walang damit at maging ang pagkain ay napababayaan kaya binabato na lamang ng mga naka-plastik na pagkain ng mga kapitbahay dahil sa awa.
Kasalukuyang nasa Reception and Action Center (RAC) ang bata, ina nito at kapatid.
“Naawa rin kami pati sa mas maliliit na anak ni Gng. Elizabeth kung makakasuhan siya at makukulong kasi wala namang ibang mag-aalaga kahit kamag-anak, wala ring asawa,” ani Dela Fuente.