MANILA, Philippines - Ipapatapon palabas ng bansa ng Bureau of Immigration (BI) ang isang puganteng Norwegian na matagal nang wanted sa kanilang batas dahil sa pangmo-molestiya sa dalawang anak nito. Kinilala ni Immigration officer in charge Ronaldo Ledesma ang pugante na si Torvald Harald Tysland, 61, na kasalukuyang nakapiit sa BI detention cell sa Bicutan, Taguig City matapos itong maaresto noong Pebrero 15 ng mga operatiba ng BI Interpol Unit.
Papasok na sana si Tysland sa Norwegian embassy sa Petron Megaplaza Bldg. sa kahabaan ng Gil Puyat Avenue ng dakmain ito ng mga ahente ng BI. Si Tysland ay naaresto sa bisa ng warrant at mayroon na rin itong deportation order matapos na aprubahan ng BI board of commissoner na inisyu sa Norwegian noong pang Disyembre 29 ng nakaraang taon.
Lumalabas sa imbestigasyon ng BI na mayroong warrant of arrest ang Norwegian na inisyu ng district court sa Follo, Norway dahil sa pangmomolestiya sa kanyang dalawang menor de edad na anak na babae sa pagitan noong Hunyo 2005 hanggang Marso 2009. Nahanap naman ng gobyerno ng Norway si Tysland sa Pilpinas matapos na madiskubre na nakapag-asawa ito ng Pinay mula sa Butuan City.