MANILA, Philippines - Muli na namang nagpatupad ng pagtataas ang mga dambuhalang kompanya ng langis makaraang itaas ng P.50 kada litro ang presyo ng kanilang mga produktong petrolyo umpisa kahapon ng hatinggabi. Dakong alas-12:01 ng madaling araw nang pangunahan ng Filipinas Shell ang pagtataas ng P.50 kada litro sa mga produkto nila ng regular, premium, unleadead na gasolina, diesel at kerosene. Sumunod naman ang dalawa pang miyembro ng Big 3 na Petron Corporation at Chevron Philippines dakong alas-6 ng umaga sa kahalintulad na presyo at sa nabanggit rin na mga produkto. Pinakahuling nagtaas ng presyo ang mga kompanya ng langis nitong nakaraang Pebrero 8 na nagkakahalaga ng P.75 kada litro ng gasolina at diesel at P1 kada litro ng kerosene. Ikinatwiran ng mga kompanya ng langis ang mataas pa ring contract price ng krudo sa internasyunal na merkado na hindi pa rin nagbababa dahil sa patuloy na nararanasan na krisis sa mga bansa sa Gitnang Silangan. (Danilo Garcia)