Police asset, tinodas

MANILA, Philippines –  Masusing iniimbestigahan ngayon ng pulisya ang pagkamatay ng isang 38-anyos na babae na pinagbabaril ng isa sa tatlong kalalakihan na kapatid ng isang drug pusher kamakalawa ng gabi sa lungsod ng Caloocan.

Dead-on-the-spot ang biktimang si Rowena Andres, ng #172 2nd St., 3rd Avenue, BMBA Compound, Caloocan matapos na magtamo ng ilang tama ng bala sa ulo at katawan buhat sa kalibre .38 baril.

Dinakip naman ng mga pulis ang dalawang lalaki na nag­silbing look-out na sina Abelardo Arceo, 17; at Nilo Gamit, 17, habang pinaghahanap naman ang mga suspect na sina  Noriel­ Badilla alyas “Totoy”, kapatid ng isa umanong kilalang drug pusher sa kanilang lugar at dalawa pang kasamahan nito na nakilala lamang sa mga alyas na Dennis at Esel.

Sa imbestigasyon nina  SPO2 Bobby Mario Egera at PO2 Rommel Bautista, ng Station Investigation Division (SID) ng Caloocan City Police, naganap ang insidente dakong alas-9:45 ng gabi sa BMBA, Maligaya Compound, 3rd Avenue ng nasabing lungsod.

Bago ang insidente ay nahuli ang kapatid ng suspect na si Badilla sa kasong droga kung saan ay walang piyansang inirekomenda ang piskalya.

Ang biktima ang pinaghihinalaan ng suspect na nagsumbong at nagpahuli sa kanyang kapatid kung saan nagbanta ito na papatayin ang biktima sakaling makita niya ito.

Kamakalawa ay nagkrus ang landas nina Andres at Badilla hanggang sa pagbabarilin ng huli ang una. 

Show comments