DepEd official, utas sa ambush

MANILA, Philippines - Patay ang isang 64-anyos na district custodian ng Department of Education (DepEd) sa division office ng Caloocan City matapos itong barilin ng isa sa apat na kalalakihan habang ang una ay nagmamaneho ng kanyang owner-type jeep sa nasabing lungsod kamakalawa.

Dead-on-arrival sa ospital sanhi ng tinamong tama ng bala ng kalibre .45 baril sa dibdib ang biktimang si Willyhardo Esponilla, ng Nadurata St., Brgy. 50, 4th Avenue, Caloocan City.

Base sa naantalang report, naganap ang insidente dakong alas-4 ng hapon sa harapan ng bahay ng biktima sa nabanggit na lugar.

Nabatid na ipinarada ng biktima ang kanyang Honda City (XLT-574) sa harapan ng kanilang bahay at matapos ay sumakay ito sa kanyang owner-type jeep (NRR-841).

Nang pinaaandar na ng biktima ang kanyang sasakyan, biglang lumapit ang isa sa mga suspek na nakasuot ng helmet at walang sabi-sabing pinaputukan si Esponilla.

Matapos ang pamamaril ay mabilis na nagsitakas ang apat na suspek sakay ng dalawang motorsiklo na walang plaka habang isinugod naman sa nabanggit na pagamutan ang biktima ng kanyang mga kaanak, subalit hindi ito umabot ng buhay.

Hanggang sa kasalukuyan naman ay patuloy na nagsasagawa ng masusing imbestigasyon ang mga awtoridad upang matukoy kung ano ang motibo sa naganap na pananambang.

Show comments