MANILA, Philippines - Makikipag-ugnayan ngayon ang Las Piñas City Police sa National Bureau of Investigation (NBI) upang maberipika kung legal ang operasyon ng mga armadong lalaki na nagpakilalang ahente ng ahensya kung saan tinangay umano ang may P1 milyong halaga ng alahas at iba pang gamit sa bahay ng isang Tsinoy kamakalawa ng madaling-araw.
Sa ulat ng Las Piñas police, unang nakipag-ugnayan sa opisyales ng barangay sa Almanza 1 ang may 10 katao na nagpakilalang mga ahente ng NBI-National Capital Region bago pinasok ang bahay ng negosyanteng si Ariel Ang sa may B22 L2 Zircon St., St. Mary Homes, ng naturang barangay, dakong alas-4:30 ng madaling-araw.
Bagama’t hindi inabutan sa naturang bahay ang hinahanap na si Ang, pinasok pa rin umano ng mga NBI agents ang bahay kung saan nawawala ang iba’t ibang uri ng alahas na may ha lagang P.5 milyon; P100,000 cash; laptop computer; DVD player at personal computer.
Ayon kay Ang, wala siyang alam na kasong kinakaharap para arestuhin ng NBI at nagtataka kung bakit itinaon ang pagtungo sa kanyang bahay ng Sabado kung saan wala siya at ang buong pamilya kung nais talaga siyang arestuhin.
Nabatid kay Las Piñas police chief, Sr. Supt. Romulo Sapitula na walang koordinasyon sa kanilang tanggapan ang NBI para sa naturang operasyon na isang “standard operating procedure (SOP)”.
Dahil dito, inaalam na rin ng pulisya sa Land Transporation Office (LTO) kung kanino nakarehistro ang mga sasakyang gamit ng mga salarin matapos na makuha ang mga plaka na NIA-520 at XSL-137.