MANILA, Philippines - Simula ngayon ay ipagbabawal na ng pamunuan ng Loyola Memorial Park ang pagdadala ng baril sa loob ng sementeryo.
Base sa rekord ng Loyola, bukod kay dating AFP chief of staff Angelo Reyes ay may nauna na ring naganap na insidente ng pagpapakamatay sa pamamagitan ng pagbaril sa sarili sa loob ng nasabing memorial park.
Ang unang insidente ay naganap noong Abril 2005, kung saan ay nagbaril din sa kanyang sarili ang dating presidente ng nagsarang Urban Bank na si Teodoro C. Borlongan.
Tulad ng ginawa ni Reyes, sa harap din ng puntod ng magulang ni Borlongan siya nagpakamatay matapos na magkaroon ng matinding problema hinggil sa kanyang trabaho na nag-ugat para umano magsara ang nasabing bangko.
Kung ang dating kalihim ay sa dibdib nagbaril, si Borlongan ay sa sentido at kalibre 45 baril din ang ginamit sa pagpapakamatay.
Bago naganap ang suicide ay nagsindi ng kandila, nag-alay ng bulaklak at nagdasal si Borlongan sa puntod ng kanyang mga magulang at matinding depresyon din umano ang nagtulak para wakasan ang sariling buhay.
Dahil sa pangyayari, sinabi ni Arman Hermongala, security guard, na sinabihan na sila ng pamunuan ng Loyola na mahigpit na siyasatin ang mga dalang gamit ng mga papasok sa sementeryo maging ito man ay opisyal ng pamahalaan ay huwag pahintulutan na magpasok ng baril upang maiwasan na ang pagpapakamatay sa loob ng nasabing memorial park.