MANILA, Philippines - Nagbabala sa publiko ang pamunuan ng National Bureau of Investigation (NBI) laban sa dalawang nakatakas na presong sangkot sa mabibigat na kasong kriminal sa NBI detention cell, sa Taft Avenue, Ermita, Maynila, kahapon ng madaling-araw.
Kinumpirma ni Special Agent Cecilio Zamora, tagapagsalita ng NBI, na nakatakas sina Albert Mata, may kasong (payroll) robbery with homicide, 37, na nadakip sa Marikina City at isang 57-anyos na si Leovince Acapulco, na sangkot sa kasong kidnap for ransom.
Ang dalawang pugante umano ay tumatayong mayor at bise mayor sa hanay ng mga detenido sa NBI jail. Sila ay nakapiit umano sa selda na pinagkulungan ni dating Datu Unsay Mayor Andal Ampatuan Jr. na pangunahing akusado sa Maguindanao massacre.
Dakong alas-3:15 ng madaling-araw nang matuklasan ang pagtakas ng mga suspect na lumusot sa daanan patungo sa UP-Manila at Supreme Court. Sa pamamagitan umano ng paglagare sa 10 pirasong ‘de-uno’ na rehas na bakal kaya nakapuga ang dalawa habang nagpapalit ng damit ang guwardiya nang may magsumbong na isang detainee.
Nabatid na ang closed-circuit television (CCTV) na nakatapat sa likod ng nasabing selda ay tinakpan umano ng bimpo kaya hindi na-monitor ang kanilang ginawang pagtakas.
Aminado ang NBI na nitong Pebrero ay hindi pa sila nagsagawa ng masusing inspeksiyon sa selda ng dalawa kaya posibleng Enero pa nang sinimulan ang paglagare sa nasabing rehas.
Nakatakda umanong ilipat sa bagong kulungan ang dalawa sa susunod na mga araw subalit huli na.