MANILA, Philippines - Nalambat na ng mga operatiba ng Quezon City Police ang limang pinaghihinalaang sangkot sa serye ng pangangarnap ng motorsiklo matapos ang magkakahiwalay na operasyon sa lungsod at Caloocan City, ayon sa pulisya kahapon.
Kinilala ni Supt. Ferdinand Villanueva, hepe ng District Anti Carnapping Unit (DACU) ang mga suspects na sina Mark Teologo, 30, ng Quezon City; Allan Addesbrooke, 42; Antonio Guzon, 50; Jes Marc Sun, 29; at Robert Jay Roa, 32, pawang mga taga Caloocan City.
Ayon kay Villanueva, naisampa na nila ang two counts of car theft laban sa mga suspect sa prosecutor’s office ng Quezon City hall of justice na may piyansang P200,000.
Lumilitaw na ang mga suspect ay nadakip sa magkakahiwalay na operasyon matapos na maispatan ang mga ito ng mga operatiba ng DACU habang sakay ng mga motorsiklo. Nang sitahin ay walang maipakitang dokumento ang mga suspect na nagpapatunay ng kanilang pag-aari ang motorsiklo, dahilan para sila damputin.
Ang DACU ay ipinalit sa binuwag na Anti-Carnapping Unit bilang tugon sa lumalalang kaso ng carnapping sa lungsod.
Narekober kay Amore ang isang Yamaha Mio at kay Teologo ay Mio Soul; isang Suzuki Shogun kay Addebrooke at Guzon; at isang Yamaha Mio at Yamaha Wonderbike mula kina Sun at Roa.