MANILA, Philippines – Bumulagta sa kalye ang bangkay ng isang hindi pa kilalang miyembro umano ng Commando gang na pinaniniwalaang biktima ng salvage sa Binondo, Maynila, kamakalawa ng gabi.
Nabatid sa report na dakong alas-9:45 ng gabi nang matagpuan ng isang Ariel Hinojales, 28, tanod sa Brgy. 282 Zone 26 ang bangkay ng lalaki na inilarawang nasa edad 30-35, may taas 5’6’’, kayumanggi, may hikaw na silver sa kaliwang tenga, nakasuot ng kulay violet na t-shirt at ‘6 pocket’ na shortpants at may tattoo sa likod na “Commando gang”.
Patalikod ang pagkakatali ng mga kamay ng biktima gamit ang dilaw na nylon cord, nakapulupot naman ang packaging tape sa mga paa at binalutan ng puting tuwalya ang ulo at mukha habang ang leeg ay sakal-sakal ng sinturon na may nakaipit pang tubo sa buckle ng sinturon, indikasyon na binigti ito.Tadtad din ng saksak ang kanyang dibdib.
Ayon pa sa pulisya posibleng doon lamang itinapon ang bangkay matapos itong patayin sa ibang lugar.
Inilagak ang bangkay sa St. Ivan Funeral Homes.