MANILA, Philippines - Tinangkang takasan ng isang guest relation officer (GRO) ang krimeng ginawa makaraang tangkaing i-flush sa inidoro ang kanyang inilaglag na fetus na nadiskubre ng nagkumpuning tubero dahil sa pagbabara nito, kamakalawa ng tanghali sa Pasay City.
Kulungan ang kinasadlakan ngayon ng 30-anyos na si Jemma Gonzales, GRO sa Jomari Videoke Bar sa may Rotonda, Pasay City at nangungupahan sa Primero de Mayo Street, sa naturang lungsod.
Sa imbestigasyon ng pulisya, nabatid na dakong alas-12:12 nang magtungo ng banyo si Gonzales makaraang makaramdam ng pananakit ng sikmura. Dito umano nalaglag ang sanggol sa kanyang sinapupunan na tinangka nitong itago nang i-flush ang inidoro.
Sumunod na gumamit naman ng banyo ang may-ari ng bahay na si Aling Poleng kung saan nadiskubre na barado ang inidoro. Dito nagpatawag si Aling Poleng ng tubero kung saan binaklas ang inidoro at natuklasan ang nakabarang fetus.
Sa loob ng istasyon, inamin ni Jemma na uminom siya ng dalawang uri ng gamot at alak dahil sa pakiramdam niya ay nilalagnat siya kahit alam niya na nagdadalang-tao siya.