2 'tulak' itinumba ng kasamahan

MANILA, Philippines - Dalawang hinihinalang ‘tulak’ ng droga ang pi­nagbabaril hanggang sa mapatay ng umano’y kapwa nila ‘tulak’ makaraan umanong magkaroon ng onsehan sa kanilang transaksiyon sa Pasig City, kahapon ng madaling-araw.

Kinilala ang dalawang bik­­tima na sina Ismael Quijano Jr., 26, ng San Agustin, Bo­lante 2, Pinagbuhatan at Mark Louie Serrano, 25, ng Palatiw, sa Pasig City .

Nabatid mula kay P/Supt. Jessie Cardona, hepe ng Pasig City Police na ang insi­dente ay naganap ng ala-1:00 ng mada­ling araw sa loob ng tahanan ng biktimang si Quijano.

Ang suspek naman na mabilis na tumakas matapos ang ginawang pamamaril sa dalawang biktima ay kinilala lamang sa pangalang Andy.

Ayon sa saksing si Mi­chaela Joy Felix, 23, live-in partner ni Quijano, dumating sa kanilang tahanan ang suspek ng alas-12:45 ng hatinggabi saka nag-usap ang tatlo.

“Pinalabas po nila ako ng bahay dahil may pag-uusapan daw silang mahalaga na sinunod ko naman, ngunit pag­­kalipas ng ilang minuto ay nakarinig na lang ako ng sunud-sunod na putok at pagbalik ko sa loob ay duguan ng nakabulagta ang mister ko at si Mark, habang si Andy ay mabilis na tumakas” ani Michaela.

Nakuha sa pinangyarihan ng krimen ang apat na basyo ng bala ng kalibre 45 baril at hindi pa matiyak na dami ng shabu.

Malaki ang hinala ng pu­lisya na posibleng onsehan sa droga ang motibo ng krimen. 

Show comments