Manila, Philippines - Binulabog ng bomb scare ang dalawang magkahiwalay na gusali matapos makatanggap ng tawag na pasasabugin ito ng nagpakilalang mga ‘extremist’ sa Ermita, Maynila, kahapon ng umaga.
Sa ulat ng Manila Police District-Explosive Ordnance Division, mabilis silang rumesponde sa komunikasyon na ipinarating ng MPD station 5-Intramuros detachment dakong alas-7:50 ng umaga dahil sa natanggap na tawag umano buhat sa isang nagpakilalang “Choi” na nagsabing ang kanyang grupo mismo ang nagtanim ng bomba sa 3rd at 7th floor ng SNL Building sa Roxas Boulevard sa Ermita, Maynila.
Ayon pa umano sa nasabing caller na isa siya sa miyembro ng extremist group at pasikreto umanong tumawag sa pulisya matapos makonsensiya sa posibleng resulta kung sasabog ang bomba.
Negatibo naman nang ikordon at galugarin ng mga tauhan ng EOD at sniffing dogs ang gusali kaya pinabalik din ang mga pinalikas na mga okupante ng gusali.
Nasundan naman dakong alas-9:35 ng umaga ng isa ring tawag ang natanggap ng pulisya hinggil sa sasabog umanong bomba sa ika-33 palapag ng Manila Executive Regency Building sa Jorge Bocobo St., Ermita, Manila. Ang nasabing building ay may kabuuang 39-palapag.
Sa pagresponde ng EOD, isang paper bag lamang na kulay pula ang natagpuan sa nasabing gusali na naglalaman ng electrical wires at sa pagtaya ng EOD, walang kapasidad o maituturing na pampasabog.
Isa ring gusali sa Makati ang nakatanggap din ng bomb threat subalit nang galugarin ay negatibo rin. Maging ang mga lalawigan ay binulabog din ng bomb threat kabilang dito ang Divine Child Academy sa Brgy. Dos, Batangas City kahapon ng umaga.Sinuspinde na rito ang klase kahapon matapos magpanik ang mga mag-aaral sa kabila na negatibo rin ito sa bomba.
Nakararanas din ng bomb threat ang iba’t ibang business establishments sa mga siyudad ng Cagayan de Oro, Kidapawan, Cotabato, General Santos, Tacurong, Koronadal at maging sa Zamboanga City subalit ang lahat ay naging negatibo.