MANILA, Philippines - Patay ang dalawa sa tatlong holdaper na tumangay ng taxi at humoldap sa driver nito, nang makipagbarilan sa mga pulis makaraang takbuhan umano ang mga nakatalagang tauhan ng Manila Police District (MPD) na nagsasagawa ng checkpoint sa Sampaloc, Maynila, kahapon ng madaling-araw.
Inilarawan lamang ni PO1 James Lagasca, ng MPD-Homicide Section ang isa sa nasawing suspect sa edad na 35-45, 5’4’’ ang taas, may tattoo insignia ng ‘Sputnik’ na may nakatatak ding “Toto”, “Piso”, “Ruben” sa kanang hita. Isa naman ay tinatayang nasa edad 25-35,may tattoo sa kanang kamay na “Jerwin” at “Lorbo”.
Kapwa nagtamo ng mga tama ng bala sa ulo at katawan ang dalawang sinasabing holdaper nang makipagpalitan ng putok sa pulisya dakong alas-2:50 ng madaling-araw sa ibabaw ng Dimasalang Bridge, Sampaloc, Maynila.
Ayon sa ulat, iniwasan umano ng taxi na “Ryan Patrick” na may plakang TYM-577, na minamaneho ng mga suspect ang isang checkpoint sa Lacson St., Sampaloc, Maynila kaya hinabol sila ng mga pulis.
Habang naghahabulan ay pinapaputukan pa ng mga suspect ang mga pulis sa likuran kung saan napilitan ang mga parak na gumanti ng putok.
Nabangga pa umano sa isang sasakyan ang taxi at nakita ng mga pulis na nagmamadaling lumabas ng sasakyan ang isa sa holdaper na nagawang makatakas, habang ang dalawa ay bulagta na sa barilan.
Sa kalaunan, nadiskubre na ang driver ng taxi na si Freddie Malbueso, ay naholdap ng mga nasabing suspect dakong ala-1:40 ng madaling-araw sa Banaue St., Quezon City.
Inireport niya sa QC-Galas Police Station, na natangay ang kanyang taxi, wallet na may kinitang P2,000 at puwersahan siyang pinababa.