Police trainee timbog sa droga

MANILA, Philippines - Maagang pinutol ng mga tauhan ng Pasay City Police ang iligal na gawain ng isang criminology graduate na isa nilang trainee makaraang dakpin ito sa isang operation sa loob ng kanyang bahay, kahapon ng umaga sa naturang lungsod.

Nakilala ang naaresto na si Alex Maglaqui, alyas “Awew”, 30, ng Tangkian St., Brgy. 4 Zone 2, ng naturang lungsod. Nabatid na anak din umano ito ng isang kagawad ng naturang barangay.

Ayon sa ulat, sinalakay ng mga awtoridad ang bahay ni Maglaqui dakong alas-6 ng umaga sa bisa ng search warrant na inilabas ni Judge Pedro Corales.

May tatlong linggo na umanong tinitiktikan ang suspek kung saan nakumpirma nila ang iligal na gawain nito na pagpapakalat at pagbebenta ng iligal na droga sa kanyang barangay sa pama­magitan ng isang “test buy”.

Hindi na nakapalag si Maglaqui nang salakayin ng pulisya ang kanyang bahay kung saan mahimbing itong natutulog.

Nakumpiska rito ang tatlong pakete ng hinihinalang shabu at dalawang stick ng marijuana.

Inamin naman ni Pasay police chief, Sr. Supt. Napoleon Cuaton­ na isa nilang “trainee” si Maglaqui na kung makakapasa ay magiging ganap na pulis.

Mas maigi umano na agad na ma­putol ang sungay nito bago pa man maging ganap na miyembro ng pulisya at dumagdag sa mga tauhan na nagpapasira lalo ng imahe ng buong kapulisan.

Show comments