Pasyente ng Mental hospital nagbigti

MANILA, Philippines - Isang lalaking pasyente ng National Center for Mental Health (NCMH) ang sina­sabing nagpatiwakal sa pamamagitan ng pagbibigti sa loob ng naturang pagamutan sa Mandaluyong City, kamakalawa ng umaga.

Inisyal na nakilala ng pulisya ang biktima na si Daniel Aresgado, 28, residente ng Parañaque City at isang “out-patient” ng NCMH.

Sa ulat ng Mandaluyong police, dakong alas-5:15 ng Lunes ng umaga nang madiskubre ng isang nurse ang nakabigting biktima sa loob ng kuwarto nito habang iniikot ang nakatalaga sa kanyang lugar.

Gumamit umano ng isang “nylon strap” na tinanggal ng biktima sa pagkakakabit sa kanyang higaan, isinabit sa pinaka­itaas ng bintana ng kuwarto at ipinulupot ang dulo sa kanyang leeg.  Buhay pa umano ito nang matagpuan ngunit nabigo ang mga manggagamot ng pagamutan na mailigtas ito nang tuluyang pumanaw dakong alas-6 ng umaga.

May sakit umanong “undifferentiated schizophrenia” o kawalan ng katinuan sa pag-iisip sa realidad ng buhay. Ipinagagamot umano ng mga kaanak ang biktima dahil sa nakararanas ito ng halusinasyon.

Nabatid pa na na-admit lamang nitong nakaraang Linggo ang pasyente kung saan hindi naman ito kina­kitaan ng posibilidad na magpapatiwakal.

Show comments