Katulong hinalay bago pinatay

MANILA, Philippines - Hinalay muna bago tuluyang pinatay ng isang obrero ang isang dalagang kasambahay makaraang matagpuan ang bangkay nito sa isang bakanteng lote sa Parañaque City kamakalawa ng gabi.

Nakilala ang nasawi na si Erna Melagroso, 23-anyos, namamasukan sa bahay ng among si Federico Serabia, sa Jericho St., Mul­tinational­ Village, Brgy. Moonwalk, ng naturang lungsod.

Nagsilbi namang susi ang nakuhang duguang patalim upang maaresto ang suspek na si Marlon Sioson, 21, tubong-Nueva Ecija at nagtatrabaho sa construction site malapit sa lugar na pinagkatagpuan sa bangkay ng biktima.

 Sa ulat ng Parañaque police, nadiskubre ang bangkay ni Melagroso na may dalawang saksak sa katawan habang pinalo pa ito ng matigas na bagay sa ulo dakong alas-8:30 ng gabi sa isang bakanteng lote ilang metro ang layo sa bahay na pinaglilingkuran.

Sa pagtatanong ng pu­lisya, inginuso si Sioson ng kasamahan nito sa construction site na siyang may-ari ng patalim na narekober sa tabi ng bangkay ni Melagroso.  Dito na dinakma ng pulisya si Sioson kung saan nakum­piska pa sa posesyon nito ang cellphone, bracelet at hikaw na pag-aari ng biktima.

Ayon kay Serabia, nag-iimpake na umano ang kanyang kasambahay upang umuwi sa probinsya nito sa Masbate makaraan ang tatlong taong paninilbihan sa kanila nang bigla itong mawala.  Sa kanyang paghahanap, dito nito natagpuan ang bangkay ng kasambahay sa bakanteng lote malapit sa kanyang bahay.

Show comments