MANILA, Philippines - Nalasog at namatay ang isang 4-anyos na batang lalaki makaraang maatrasan at magulungan ng pampasaherong jeepney habang naglalaro sa tapat ng kanilang bahay sa lungsod Quezon, iniulat kahapon.
Ang biktima ay kinilalang si Jay Pee Lising, 4, ng #82 Santiago St., Brgy. San Antonio sa lungsod.
Ayon kay Chief Insp. Rey Medina, hepe ng Sector 1 ng Quezon City Police- District Traffic Enforcement Unit (QCP-DTEU), nagtamo ang bata ng labis na pinsala sa ulo at paa na siyang dahilan ng agaran nitong kamatayan.
Nangyari ang insidente sa labas mismo ng bahay ng pamilya ng biktima pasado alas-3 ng hapon.
Sinasabing dito ay naglalaro ang bata malapit sa nakaparadang pampasaherong jeepney (PJT-629) na minamaneho ni Felipe Garcia.
Ilang sandali, nang simulan ni Garcia na paatrasin ang jeepney, hindi umano nito namalayang nasa likuran niya ang bata hanggang sa masagasaan niya ito.
Huli na nang malaman ni Garcia na nadisgrasya niya ang bata kung saan nang tingnan niyang duguang nakahandusay ito sa lugar ay agad na tumakas at iniwan ang nasabing sasakyan.
Ayon kay Medina, sa ngayon, isinailalim na nila sa manhunt operation si Garcia upang papanagutin sa kanyang ginawa, habang inihahanda ang kasong isasampa laban sa kanya.