MANILA, Philippines - Makaraan ang sunud-sunod na batikos sa tamang asal ng mga miyembro ng Philippine National Police (PNP), ipatutupad na ng National Police Commission (Napolcom) ang memorandum circular na maaaring isumbong ng mga sibilyan at maparusahan ng serbisyo-komunidad ang mga pulis na wala sa tamang bihis, madungis, bastos, laging late at tamad.
Inaprubahan ang memorandum circular 2010-003 nitong nakaraang Setyembre 30, 2010 ngunit ngayon pa lamang maipatutupad. Layunin nito na magtatag ng “Delinquency Reporting (DR) system” sa PNP na maaaring magsumbong ang mga sibilyan at maging mga kapwa pulis laban sa mga lumalabag na alagad na batas.
Kabilang sa mga “minor offenses” ang paglabag sa “Tamang Bihis” kabilang ang hindi pagsusuot ng tamang uniporme, mahabang buhok, may balbas at bigote; palagiang late sa trabaho at aktibidad; paninigarilyo sa ipinagbabawal na lugar; paglabag sa batas trapiko; pagdura at pag-ihi sa pampublikong lugar; pagtulog habang nakaduty, at hindi o mabagal na aksyon sa mga sumbong buhat sa publiko.
Nabatid na may mga katumbas rin itong demerits at kung umabot na sa 15 demerits ay mapapatawan na ng parusang community service.
Kasama naman sa mga nakalaang parusa ang paglilinis sa mga pampublikong lugar, pagtatanim ng puno, pagsama sa information campaign at iba pang proyekto ng PNP. Isasagawa ang community service tuwing “rest day” ng maparurusahang pulis at nararapat nakasuot ng “athletic uniform”.