MANILA, Philippines - Sumuko na kahapon kay Justice Secretary Leila de Lima ang pulis na umano’y nangotong at nanggahasa sa isang vendor na ginang sa loob mismo ng tanggapan ng Integrity Task Force Unit ng Manila Police District (MPD).
Sinabi ng Kalihim na nakipag-usap sa kanya ang kapatid ni PO3 Antonio Bautista Jr. at hiniling na kung maaari ay ilagay sa protective custody ng National Bureau of Investigation (NBI) ang kanyang utol.
Nangangamba na rin umano sa kanyang buhay si Bautista matapos na magpalabas ng pabuya ang pulisya para sa ikadarakip nito kayat nagdesisyon na itong sumuko kay de Lima.
Paliwanag naman ng Kalihim kaagad isasalang sa inquest proceeding si Bautista dahil sa kasong extortion at rape sa isang vendor na ginang na inaresto nito.
Nilinaw naman ni de Lima na dahil sumuko ang akusado kayat wala umanong makakakuha ng P100,000 na nakapatong sa ulo ng suspek.
Magugunitang nauna ng inireklamo ng biktimang itinatago sa pangalang Vanessa si PO3 Bautista ng panghahalay sa kaniya noong Disyembre 31, 2010, makaraang hulihin ng naturang pulis dahil sa bagansiya. Bukod sa kasong rape ay may karagdagang kasong robbery na kinakaharap ngayon ang pulis makaraang kuhanin pa nito ang P4,000 ng biktima.
Kasabay nito, hinahanap na rin ng mga awtoridad ang isa pang babae na sinasabing biktima rin ng panggagahasa noong gabing hinalay si Vanessa, dahil ang kasama naman ni Bautista na umano’y striker ng MPD ang itinuturong responsable sa naturang insidente.
Subalit ayon kay MPD spokesman Maj. Erwin Margarejo, wala pa silang gaanong development sa nasabing isa pang kaso ng rape at ang kasalukuyan nilang hakbang ay ang pagkuha sa kustodiya ni Bautista na nasa NBI.