Coed utas sa ka-live-in

MANILA, Philippines –  Patay ang isang 21-anyos na estudyante makaraang pagsasaksakin ng kanyang ka-live-in matapos ang ma­initang pagtatalo kahapon ng madaling-araw sa Tondo, Maynila. 

Idineklarang patay sa Mary Jhonston Hospital ang biktimang si Jetly Reyes, 21, 2nd year Hotel and Res­taurant Management student sa Arellano University at re­sidente ng Moriones St., Tondo, Maynila.

Arestado naman at nagtamo pa ng mga sugat sa tuhod dahil sa habulan sa pagitan ng mga tauhan ng Manila Police District-Station 2  ang suspect na kinilalang si Kennethy Aspiras, 20, ng Kagitingan St., Tondo at nanunuluyan sa poder at magulang ng biktima.

Ayon kay P/Insp. Armand Macaraeg, nadakip ang suspect sa labas ng bahay ng biktima makaraang isuplong  ng mga kapitbahay matapos ang isinagawang krimen.

Sa imbestigasyon ng MPD-Homicide Section, dakong alas-12:30 ng mada­ling-araw nang maganap ang pag-aaway ng suspect at biktima sa ika-3 palapag ng bahay ng magulang ng nasawi.

Selosan umano ang dahilan ng madalas na pag-aaway ng dalawa, ayon sa ina ng biktima na si Aling Cleopatra.

Mahigit isang oras na nilalapatan ng lunas sa ospital ang biktima subalit dakong ala-1:45 nang ideklarang bumigay na ang katawan nito dahil sa malalalim na saksak.

Idinahilan ng suspect na sobrang kalasingan kaya wala na siyang matandaan sa kanyang nagawa.

Naalala lamang umano niya nang ipaglaba niya ng uniporme ang biktima.

Limang taon na umanong nagsasama ang dalawa at wala pang anak.

 Inihahanda na ang kasong murder laban sa suspect.

Show comments