MANILA, Philippines - Natimbog ng Quezon City Police ang isang lalaki at isang babae na tinaguriang “Boni and Clayd” na pinaniniwalaang may kagagawan ng serye ng panghoholdap at pangangarnap ng mga taxi sa lungsod kahapon ng madaling-araw.
Kinilala ni PO2 Al Ponperada ng Police Station 3 ng QCPD ang mga suspect na sina Leonard Lopez, 25, ng Block 7, Sun Flower St., Karuhatan, Pasig at Ana Garcia, 20, ng Road 1, Brgy. Sauyo, Quezon City.
Ayon kay Ponperada, nasakote ang dalawa makaraang habulin ng mga rumespondeng pulis at taumbayan na hiningan ng tulong ng biktimang si George Pilla, 31, taxi driver ng B1, Lot 1, Lupang Biyaya, Brgy. West Fairview, Q.C.
Sa imbestigasyon ni Ponperada, lumilitaw na nangyari ang insidente sa may Mendez St., Brgy. Baesa dakong alas-3 ng madaling-araw.
Bago nito, sumakay umano ang mga suspect sa minamanehong Ambo-Allen taxi (PXW-251) ni Pilla sa may Congressional Ave. at nagpahatid sa may Jordan Valley.
Pagsapit sa naturang lugar ay nagsabi na naman ng ibang direksyon ang mga suspect at muling nagpahatid pabalik sa Road 1, kung saan pagsapit sa Road 23 ay saka naglabas ng baril at nagdeklara ng holdap.
Agad na kinuha ng babaeng suspect ang kitang P500 ng biktima, habang ang lalaki naman ay kinuha ang manibela at pinaandar ang taxi.
Paglabas sa may kanto ng Mendez St., sa Quirino Highway ay naalarma ang mga suspect nang makita ang mga awtoridad sa lugar, dahilan para makakuha ng tiyempo si Pilla at makatalon palabas ng taxi saka nagsisigaw ng saklolo.
Sa puntong ito, napilitang umatras ang mga suspect papasok ng Brgy. Baesa at iwan sa nasabing lugar ang taxi. Subalit hindi tumigil ang mga awtoridad kasama ang ilang taumbayan at hinabol ang mga suspect na nagawa pang makapagtago sa may Mang David St., hanggang sa maispatan sila at arestuhin.
Sa pagsisiyasat, wala namang nakuhang baril ang mga awtoridad ngunit narekober naman sa loob ng taxi ang isang kahon na naglalaman ng 36 na piraso ng bala ng kalibre 22 na ginagamit ng mga suspect sa kanilang iligal na operasyon.
Kasong robbery hold-up at illegal possession of ammunitions ang kinakaharap ngayon ng mga suspect habang hinihintay pa ng PS3 ang ibang taxi na pinaniniwalaang naging biktima ng mga ito.