MANILA, Philippines - Nanawagan si Manila Mayor Alfredo Lim sa mga taxpayer ng lungsod na agad na asikasuhin ang kanilang obligasyon sa pagbabayad ng buwis upang makakuha ng discounts at maiwasan ang anumang aberya.
Ayon kay Lim, inatasan na niya si city treasurer Vicky Valientes na unahin ang mga business at real property owners na nais na magbayad ng mas maaga sa pamamagitan ng pagbubukas ng city taxpayer center tuwing Sabado at Linggo.
Napag-alaman naman kay Valientes na noon pang isang linggo nila sinimulan ang pagbubukas ng tax center mula alas-9 ng umaga hanggang alas-4 ng hapon.
Batay na rin sa direktiba ni Lim, sinabi ni Valientes na ang nasabing deadline para sa pagbabayad ng business taxes, business permits at iba pang regulatory fees ay hanggang Enero 20. Makakakuha naman ng 10 porsiyentong diskuwento ang makapagbabayad sa nasabing petsa.
Samantala, 20 porsiyento naman ang diskuwento sa mga magbabayad ng real property taxes bago matapos ang buwan ng Enero 2011.
Payo pa ni Valientes na maagang magbayad upang maiwasan ang anumang pagsisiksikan, aberya at penalty.