63 pulis-QC isasailalim sa re-training

MANILA, Philippines - Isang linggo makaraang aminin na ilang pulis ang hindi disiplinado, may 63 pulis-Quezon City ngayon ang isasailalim ng National Capital Regional Police Office (NCRPO) sa “re-training on good manners” sa PNP Reformatory School sa Clarkfield, Pampanga.

Unang sasalang sa pagsasanay na ito ang mga tauhan ng Quezon City Police District-Station 12 na nakatalaga sa commercial district sa Eastwood, Libis.  Inilagay na sa “relieved sta­tus” ang mga pulis at pansamantalang papalitan ng mga tauhan ng NCRPO habang wala ang mga ito.

Ang naturang programa ng NCRPO ay makaraang ma­alarma ang pamunuan ng PNP matapos na may 14 na pulis na halos pawang mga baguhan, ang masangkot sa iba’t ibang pag-abuso at karahasan nitong nakaraang linggo.

Sinabi ni NCRPO chief, Director Nicanor Barto­lome na muling mag-aaral at magsasanay sa maayos na ugali, team building at sasailalim sa pisikal na pagsasanay ang mga pulis sa loob ng 15 araw.

Hindi naman nilinaw ni Bartolome kung bakit ang mga tauhan ng QCPD Station 12 ang unang isinailalim sa “re-training” ngunit sinabi nito na susunod ang iba pang tauhan ng pulisya sa buong Metro Manila.

Show comments