MANILA, Philippines – Dahil sa ginabi ng pag-uwi, isang babae ang pinatay sa saksak ng kanyang kinakasama at sinaksak din ang kapatid ng una nang magtangka itong umawat kahapon ng umaga sa Makati City.
Dead-on-arrival sa Ospital ng Makati ang biktimang si Christma Ramos, 22, ng #3909 Macabulos St., Brgy. Bangkal, Makati matapos na magtamo ng maraming saksak sa iba’t ibang bahagi ng katawan.
Nasa kritikal naman na kondisyon at nilalapatan ng lunas sa nabanggit na pagamutan ang kapatid ng biktima na si Christopher, 18. Nagtamo rin ito ng mga saksak sa iba’t ibang bahagi ng katawan.
Samantala, nakakulong naman sa Makati City Police detention cell ang suspect na si Ernesto Carurucan, 22, residente rin ng nabanggit na lugar.
Sa report na isinumite sa tanggapan ni Chief Supt. Arne Mirabel delos Santos, district director ng Southern Police District Office (SPDO), naganap ang insidente dakong alas-2 ng madaling-araw sa bahay ng biktima. Sinita ng suspect ang biktima na nauwi sa matinding pagtatalo.
Bunsod nito, nahagilap ng suspect ang isang kutsilyo at inundayan nito ng saksak ang biktima. Tinangka namang sumaklolo ni Christopher subalit ito naman ang pinagbalingan ng suspect.
Mabilis namang nakahingi ng tulong ang mga kapitbahay ng biktima kung kaya’t agad na nadakip ang suspect.