Motorsiklo sumalpok: Bebot patay

MANILA, Philippines - Isang babae na kaangkas ng isang bagitong pulis sa motorsiklo ang nasawi makaraang sumalpok sa konkretong barikada sa kahabaan ng C-5 Road sa Taguig City, kamakalawa ng madaling-araw.

Hindi na umabot ng buhay sa Taguig-Pateros Hospital ang biktimang nakilalang si Verna Liza Udtujan, 22, ng no. 467 MLQ Lower Bicutan dahil sa tinamong pinsala sa ulo at iba pang bahagi ng katawan.

Isinugod rin sa naturang pagamutan ngunit inilipat sa Rizal Medical Center dahil sa kritikal na kundisyon si PO1 Jerry Gumabay, 27, nakatalaga sa Southern Police District Headquarters at naninirahan rin sa nabanggit na lugar. 

Batay ulat ng Taguig Police Traffic Management Unit, naganap ang aksidente dakong alas-12:10 ng hatinggabi sa kahabaan ng C-5 Road sa Western Bicutan.  Lulan ang dalawang biktima ng motorsiklong may plakang ZP-2228 nang sumalpok sa konkretong harang sa exit road malapit sa Army Adventure Zone.

Sa lakas ng pagkakabangga, tumilapon ang dalawa sa sinasakyang motorsiklo at una ang ulo ng dalaga na lumagapak sa sementadong lansangan.

Inaalam pa ng pulisya kung may nakagitgitan na ibang sasakyan ang motorsiklo o aksidenteng nasalpok nito ang concrete barrier sa naturang lugar na naging sanhi ng pagkamatay ng dalaga.

Show comments