MANILA, Philippines - Matapos ang ilang araw na pagtatago, nahulog na rin sa kamay ng pulisya ang pumatay sa isang barangay kagawad sa Caloocan City kahapon.
Si Arnel Buenaflor, ng Taguig St., corner Pateros St., Barangay 35 ng nasabing lungsod ay naaresto ng mga pulis sa lalawigan ng Isabela sa isinagawang follow-up operation.
Ayon kay Sr. Supt. Jude Wilson Santos, ng Caloocan City Police, ang pagkakadakip kay Buenaflor ay bunga na rin sa mga impormasyon na kanilang natanggap mula sa ilang impormante at pamunuan ng Isabela PNP na ang suspect ay nagtago sa Isabela.
Napag-alaman na si Buenaflor ay miyembro ng Pasaway Group, kung saan ang grupo nito ang itinuturing na “salot” sa kanilang lugar.
Unang nadakip ng mga tauhan ng Caloocan City Police ang mga look-out na sina Michael Rullon at Frederick Sales habang patuloy namang pinaghahanap ang dalawa pang suspect na sina Rommel Oliva at Francis Bronjal.
Matatandaan dakong alas-12:15 ng madaling- araw noong Enero 1 nang barilin at mapatay ng suspect na si Buenaflor ang biktimang si Reynaldo Dagsa, 38, kagawad ng Brgy. 35 at residente ng Block 22, Lot 12, Tuna St.
Kinunan ng litrato ng biktima ang kanyang pamilya, subalit nakasama sa litrato si Buenaflor at iba pang suspect kung saan kitang binabaril ni Buenaflor ang una. Ito naman ang naging dahilan upang matukoy ng pulisya ang suspect.
Kasabay nito, iniharap din kay Caloocan City Mayor Enrico “Recom” Echiverri ang suspect na si Buenaflor kung saan ay pinapurihan ng alkalde ang mga awtoridad dahil sa pagkakalutas sa kasong pagpatay sa barangay kagawad. (Lordeth Bonilla at Victor Martin)