MANILA, Philippines - Nagpatupad ng katiting na P.40 sentimos sa kada kilo ng liquefied petroleum gas (LPG) ang mga dambuhalang kompanyang Filipinas Shell at Petron Corporation dahil sa pagbaba ng presyo sa kontrata nito sa internasyunal na merkado.
May katumbas na P4.40 kada 11-kilong tangke ng LPG ang ibinaba ng Shell at Petron na nag-umpisa kahapon ng umaga.
Hindi naman agad susunod dito ang LPG Marketers Association (LPGMA) na nagsabing posibleng sa katapusan pa ng Enero o umpisa ng Pebrero sila magpapatupad ng rollback. Sinabi ni LPGMA President Arnel Ty na mas mababa pa rin umano ang kanilang mga produkto kumpara sa itinitinda ng Shell at Petron. Kasalukuyan umanong nasa pagitan ng P680-P720 ang presyo sa kada 11-kilong tangke na ibinibenta ng kanilang mga miyembro kumpara sa P744 kada tangke ng Shell at Petron.
Ikinatwiran nito na nakatakda pang bumaba ang presyo ng LPG sa internasyunal na merkado sa Pebrero pero kung mapapaaga ito ngayong Enero, agad na nilang ipatutupad ang kanilang rollback sa katapusan ng buwan.
Sinabi rin ni Ty na posibleng tumbasan nila ang presyo na kanilang itinaas noong Nobyembre at Disyembre sa kanilang ipatutupad na rollback upang maibalik sa normal ang presyo ng LPG at mabawasan ang paghihirap ng bawat tahanan.