MANILA, Philippines - Dalawang lalaki ang nasawi makaraang pagbabarilin ng kanilang kapitbahay nang makita ang isa sa mga ito na umihi sa pader ng bahay ng suspek, kamakalawa ng gabi sa Makati City.
Hindi na umabot ng buhay sa Ospital ng Makati ang biktimang si Vicente Eclipse, 42, ng Blue Eagle St., Makati sanhi ng mga tinamong tama ng bala ng kalibre 9mm sa dibdib at leeg, habang namatay din sa naturang pagamutan makaraan ang isang oras ang kanyang kasamang si Ben Son, 59, ng Blk. 85 Lot 2 Daffodil St., dahil sa tama ng bala sa mukha.
Sumuko naman sa pulisya ang suspek na si Carlos del Prado, 50, inhinyero, residente rin sa naturang lugar. Sa ulat ng Makati police, naganap ang insidente dakong alas-8:30 ng gabi sa tapat ng bahay ni Del Prado. Nabatid na nakikipag-inuman si Eclipse sa kanyang mga bisita kabilang na si Son sa tapat ng kanyang bahay.
Nakaramdam ng panunubig si Son ngunit sa halip na sa palikuran magbawas ay sa pader ng pamilya Del Prado ito umihi. Nakita naman ito ng misis ng suspek na si Evelyn na sumita kay Son.
Pumagitna naman sa pagtatalo si Eclipse hanggang sa sila ang magtalo ng ginang. Dito na lumabas ng bahay ang suspek na si Del Prado na armado ng kalibre 9mm at pinagbabaril ang dalawang biktima.
Sa kanyang depensa, sinabi ni Del Prado na may dala rin umanong baril ang mga biktima at tinangkang saktan ang kanyang misis na kanyang ipinagtanggol lamang.
Sa kabila nito, wala namang narekober na baril ang mga imbestigador buhat sa katawan ng mga nasawi.