MANILA, Philippines - Bunsod na rin ng bundok ng mga basura matapos ang selebrasyon sa pagsalubong ng Bagong Taon, pinayuhan ng mga opisyal ng Manila City hall ang mga Manilenyo na ipunin at ayusin ang kanilang mga basura upang mas madaling mahakot.
Ayon kina City Administrator Jay Marzan at Chief of Staff at Media Information Bureau chief Ric de Guzman, kailangan na magkaroon ng disiplina ang bawat residente ng Maynila sa mga basurang naipon ng nagdaan selebrasyon.
Nabatid na marami pang lugar sa lungsod ang may basura at kalat na bakas ng ginamit na paputok at balot ng mga pagkain.
Bagama’t may mga truck ng basura na maghahakot nito, mas magiging madali kung nakasako na ang mga basura.
Sinabi ni Marzan na kailangan na mapanatili ang kalinisan ng Maynila at maging mas maayos ang pagpapatupad ng mga regulasyon at batas ngayong Bagong Taon.
Malaking tulong din ito upang hindi makabara sa mga estero at kanal.
Giit naman ni de Guzman, ngayon 2011 dapat na magkaisa ang lahat ng Filipino upang mas maging maayos ang bansa at iwasan na ang anumang mga away at intriga at sa halip ay magtulungan.