MANILA, Philippines - Isang 19-anyos na lalaki na nangunguha ng paputok ang pinatay ng kanyang kapitbahay noong Biyernes ng gabi sa Sta Ana, Maynila.
Hindi na naisalba pa ng mga doktor sa Ospital ng Maynila ang biktimang si Rodel Rodriguez, ng no. 1858 Oro B St. Sta Ana. Maynila sanhi ng saksak sa katawan.
Kalaboso naman ang suspect na si Henry Villarin, 33, binata, kapitbahay ng biktima at miyembro ng Bahala na Gang (BNG).
Sa ulat ni PO3 Efren Flores ng Manila Police District-Homicide Section, dakong alas-11:45 ng gabi nang maganap ang insidente sa Oro B St. Sta Ana, Maynila.
Nabatid na makailang ulit na naghagis ng paputok ang suspect na tinatapakan at pinapatay naman ng biktima at saka pupulutin at sisindihan.
Bunga nito, napikon ang suspect na nauwi sa pagtatalo hanggang maglabas ng patalim ang suspect at pagsasaksakin ang biktima.