3 tomador itinumba sa inuman

MANILA, Philippines - Kamatayan ang sumalubong sa Bagong Taon laban sa tatlo-kataong nag-iinuman ng alak makaraang pagbabarilin ng dalawang ’di-pa nakilalang lalaki sa bahagi ng Brgy. Pasong Tamo sa Quezon City kahapon ng madaling-araw.

Kinilala ni P/Chief Inspec­tor Ariel Capocao, hepe ng Investigation Section ng Quezon City Police District, ang mga napaslang na sina Felsem Cervantes, 40, electrician, ng Area 2 Major Marcos St.; Ben Ternal, 39, construction worker; at si Michael Ternal, 23, kapwa nakatira sa #33 4th St. sa nabanggit na barangay.

Sa ulat ni PO2 Loreto Tigno, naganap ang krimen sa harapan ng bahay ng mag-utol na Ternal kung saan naimbitahan lamang makipag-inuman si Cervantes.

Nabatid na tinanong ng matandang Ternal si Cervantes kung may baril ito na maaring magamit na proteksyon laban sa grupo na kaaway niya.

Dahil sa walang ma­isagot si Cervantes ay nagpatuloy ang tatlo sa inuman at kuwentuhan hanggang sa dumating si kamatayan.

Show comments