MANILA, Philippines - Blangko pa ang mga awtoridad sa pagkilanlan at motibo ng pamamaslang sa isang 37-anyos na lalaki na pinasok at binaril sa loob ng kanyang bahay, sa Malate, Maynila, kamakalawa ng gabi.
Dead-on-arrival sa Ospital ng Maynila ang biktimang si Christopher Nobla, ng #714-C Balingkit, Leveriza St., Malate, Maynila.
Walang nakakita sa insidente ng pamamaril kaya’t malabong matukoy umano kung sino ang salarin na patuloy pang iniimbestigahan.
Sa ulat ni PO1 Roderick Pacilan, dakong alas-8 ng gabi kamakalawa ng maganap ang insidente sa bahay ng biktima na nasa ikatlong palapag ng gusali.
Ayon umano sa live-in partner ng biktima na si Elaine Miranda, ganap na alas-6 ng hapon nang magtungo siya sa palengke upang mamili ng panindang fish ball at gamot kaya naiwan niyang nag-iisa ang biktima.
Nang umuwi siya makalipas ang dalawang oras ay nadatnan niyang duguan at naghihingalo ang biktima kaya agad siyang nagpatulong sa kapitbahay na si Rosario Valente upang madala sa pagamutan.
Dinala sa Universal Funeral Homes ang bangkay ng biktima para sa autopsy at safekeeping.