Mister napagtripan ng 15 lasing, inatado

MANILA, Philippines - Walang kamalay-malay ang isang mister na ang paglalakad niya sa kalye ang magiging sanhi ng kanyang kamatayan matapos na mapagtripang pagsasaksakin ng may 15 kalalakihang lasing sa lungsod Quezon kahapon ng madaling-araw.

Si Isagani Lazar, 36, ng Dupax compound, Brgy. Old Balara ay nagawa pang maisugod sa ospital ngunit hindi na rin umabot pa ng buhay. Samantala sa 15 suspect isa sa mga ito ang natukoy sa alyas na Bunso Bechayda na ngayon ay tinutugis na ng awtoridad.

Nangyari ang insidente sa may Road 44 ng Dupax Compound, Brgy. Old Balara ganap na alas 2 ng mada­ling araw habang nalalakad ang biktima sa lugar nang madaanan nito ang grupo ng mga lasing na suspect.

Habang papalayo ang biktima, biglang sinundan ito ng mga suspect sa pangunguna ni Bechayda at inatake ng saksak sa buong katawan, saka mabilis na nagsipagtakas. Patuloy ang pagtugis ng pulisya sa mga suspect upang papanagutin sa nasabing insidente.

Show comments