MANILA, Philippines - Umaabot sa lima katao ang nasugatan sa naganap na barilan sa pagitan ng isang sibilyan at dalawang pulis nang tangkaing arestuhin ng huli ang nagpasimuno ng pamamaril sa grupo na nag-iinuman sa pagdiriwang ng Pasko, kamakalawa ng gabi, sa Tondo, Maynila.
Kabilang sa nilalapatan ng lunas sa Gat Andres Bonifacio Hospital ang biktimang si Neile Chester Ganantial, 27, ng no. 424 Navarro st., Tondo at ang sinasabing namaril at kaalitan umano ni Ganantial na si Edwin Galang, 38, ng no, 2680 J. Luna st. Tondo.
Ginagamot din ang mga natamaan ng ligaw na bala na kinilalang sina Jheszon Peralus, 3, at Maita Duag, 25, kapwa ng Dagat-dagatan, Navotas City; at Aldrin Manlapaz, 22 ng Capulong St., Tondo, Manila.
Pinipigil naman sa Manila Police District-General Assignment Section ang mga nasangkot sa barilan na sina PO1 Ariel Aguilar, 33, nakatalaga sa Malolos PNP at residente ng no, 388 Navarro St., Tondo at SPO2 Benjamin Lumbad, nakatalaga sa Quezon City Police District (QCPD).
Base sa ulat ni PO3 Rowel Candelario ng MPD-Station 1 (Tondo) dakong alas-7:30 ng gabi nang maganap ang insidente sa Navarro St., Tondo kung saan nagkakasiyahan ang grupo nina Ganantial nang biglang lumutang ang suspect na si Galang at pinutukan umano si Ganantial gamit ang kalibre .45 baril.
Dahil sa kaguluhan, agad namang humingi ng saklolo ang isang Jonathan Del Rosario, 32, residente sa lugar at saksi sa insidente, kay SPO2 Lumbad upang rumesponde subalit tinangka umano itong barilin ni Galang habang papalapit kaya inunahan umano ng putok at tinamaan si Galang sa kaliwang bahagi ng katawan.
Naroon din si PO3 Aguilar, kaibigan umano ni Galang, na hinihinalang nagpaputok din kaya nadamay ang mga inosenteng biktima.