Totoy pumalag sa holdap, todas

MANILA, Philippines - Patay ang isang binatilyo matapos itong tumangging ibigay sa mga holdaper ang kanyang cellphone, habang sugatan naman ang kaibigan nito nang holdapin sila sa Malabon City kamakalawa ng gabi.

Ang biktima na hindi na umabot ng buhay sa Jose Reyes Memorial Medical Center (JRMMC) sanhi ng tinamong saksak sa katawan ay nakilalang si Michael Vincent Margallo, 17, ng Asero St., Brgy. Tugatog ng nasabing lungsod.

Sugatan naman ang kaibigan nito na si Angelo­ Arbulado, 18. Sa impormasyon ng pulisya, naganap ang insidente dakong alas-8 ng gabi sa kahabaan ng Asero St., Brgy.  Tugatog.

Sa ulat ng pulisya, kasalukuyang naglalakad ang biktima at ang kaibigan nito sa naturang lugar nang lapitan ng mga suspek na armado ng patalim at magdeklara ng holdap.

Nang kinukuha na ng mga suspek ang   cellphone ng biktima ay tinangka nitong man­­laban dahilan upang bigla na lamang itong pagsasaksakin ng isa sa mga holdaper.

Sa pagkakataong ito ay tinangka ring tulungan ang biktima ng kanyang kaibigan ngunit maging ito ay inundayan din ng saksak ng mga armadong holdaper. Matapos ang insidente ay mabilis na nag­sitakas ang mga suspek sa magkakahiwalay na lugar habang isinugod naman sa nabanggit na pagamutan ang biktima ngunit hindi na umabot ng buhay si Margallo. (Lordeth Bonilla)

Show comments