Taxi driver hinoldap na, pinatay pa

MANILA, Philippines - Isang taxi driver ang nasawi makaraang tadtarin ng bala ng hinihinalang mga holdaper nito sa lungsod Quezon kamakalawa.

Ang biktima na iniwan na lamang duguang nakahandusay sa loob ng kanyang taxi ay kinilala ni PO3 Modes­tino Juanson ng Criminal Investigation and Detection Unit ng Quezon City Police na si Osmundo Rosauro Jr., 47, residente ng Milagros St., Brgy. Bagong Barrio, Caloocan City.

Ayon sa pulisya, maa­aring ang mga suspect ay pasahero ng biktima na kung saan matapos magdeklara ng holdap ay nanlaban ang huli kung kaya pinagbabaril ito.

Lumilitaw sa pagsisiyasat ni Juanson, nangyari ang insidente sa Pook dela Paz, corner Lagoon St., Brgy. Old Balara ganap na alas-9:30 ng gabi.

Nabatid na unang nakarinig ang mga resi­dente ng putok ng baril na nang tingnan, doon nakita ang isang taxi na nakahambalang sa daan habang umaandar ang makina nito.

Agad na rumesponde ang pulisya   kung saan nadiskubre nila ang duguang katawan ng biktima sa loob ng taxi na may markang “Jonie Trans” (TXU-673).

Sa pagsisiyasat ng Scene of the Crime Ope­ratives (SOCO), ang biktima ay nagtamo ng mga tama ng bala sa iba’t ibang bahagi ng kanyang katawan na siyang ikinasawi nito.

Narekober din sa lugar ang anim na basyo ng kalibre 9 mm, at isang bala ng nasabi ring kalibre ng baril. Patuloy ang pagsisiyasat ng CIDU sa nasabing insidente. (Ricky Tulipat)

Show comments