MANILA, Philippines - Isang barangay tanod ang pinatay sa saksak ng dalawang kalalakihan at itinapon pa sa maruming ilog sa Malabon City kamakalawa ng gabi.
Kinilala ang biktimang si Leonardo Santos, 61, ng #10 R. Magsaysay St., Araneta Compound, Bgy. Potrero ng nasabing lungsod.
Pinaghahanap naman ngayon ang mga suspect na sina Anthony Moreno, 29 at Jason Barbacina, 22, kapwa naninirahan sa R. Magsaysay St., ng nabanggit na barangay.
Base sa nakalap na impormasyon sa Station Investigation Division (SID) ng Malabon City Police, naganap ang insidente dakong 10:30 ng gabi, ilang metro lamang ang layo sa bahay ng biktima.
Kasalukuyang naglalakad pauwi ang biktima sa naturang lugar galing sa pakikipag-inuman nang makasalubong nito ang dalawang suspect na armado ng patalim.
Agad na pinagtulungang saksakin ng mga suspect ang biktima at nang masigurong patay na ay mabilis ding hinagis ang bangkay sa ilog.
Sa pagkakataong ito ay nakita ng ilang residente ang ginawang pagtapon ng mga suspect sa bangkay ng biktima kaya’t agad nilang inireport sa pulisya.