MANILA, Philippines - Mahigpit na pagbabantay ngayon ang isinasagawa ng mga tauhan ng Makati police, Makati City Hall at mga barangay tanod sa tatlong barangay na nakapalibot sa sentro ng gas leak sa West Tower Condominium makaraang ideklara na ipinagbabawal ang anumang uri ng pagpaputok sa naturang lugar upang makaiwas sa posibleng trahedya.
Ito’y makaraang magpasa ng ordinansa ang Makati City Council noong nakaraang linggo na mahigpit na nagbabawal sa pagtitinda, paglikha, pag-imbak, posesyon o paggamit ng anumang uri ng paputok sa mga Brgy. Pio del Pilar, Magallanes at Bangkal.
May nakalaang multang P5,000 o anim na buwang pagkakulong sa sinumang lalabag sa naturang ordinansa.
Nagtatag naman ang lokal na pamahalaan ng Makati City ng 24-oras na “monitoring teams” at mga equipment sa bisinidad ng West Tower Condominium. Nasa 24-oras na rin ang isinasagawang patrulya ng mga tauhan ng Makati Rescue Team sa naturang mga barangay.
Mahigpit na pinagbabawalan ang mga residente sa naturang lugar na magpaputok kahit ng pinakamaliit na paputok at pagsisindi ng anumang uri ng pailaw.