MANILA, Philippines - Nagtamo ng mga sugat sa mukha at pasa sa katawan ang isang babaeng tabloid reporter matapos na makursunadahang pagbubugbugin at agawan pa ng cellphone ng tatlong kalalakihan sa lungsod Quezon, iniulat kahapon.
Si Rizza Joy Laurea, 29, reporter ng People’s Balita ay agad namang nalapatan ng lunas sa Jose Reyes Memorial Medical Center dala ng tinamong mga sugat.
Matapos nito, agad na nagsampa si Laurea ng reklamo sa tanggapan ng Quezon City Prosecutors Office laban sa tatlong suspect na nakilala sa mga pangalang Marvin Rapada, isang alyas “Clown” at isa pang hindi pa natukoy na lalake, pawang mga residente ng Road 8, corner Road 2 sa Brgy. Bagong Pag-asa.
Sa kanyang reklamo, nangyari ang insidente habang siya ay naghihintay ng masasakyan sa may Visayas Avenue sa Project 6 ganap na alas-2 ng madaling-araw.
Mula rito ay nilapitan si Laurea ng mga suspect at agad na pinagbubugbog. Matapos nito, isa sa mga suspect na si Clown ang kumuha ng Honcao V8 cellphone ng una saka nagsipagtakas.
Agad namang tinulungan ng mga istambay si Laurea at tumawag ng barangay security officers na nagdala sa kanya sa barangay hall para magpa-blotter bago tuluyang dalhin sa naturang ospital.