2 Chinese, 1 Pinoy huli sa buy-bust

MANILA, Philippines – Natimbog ng pinagsanib na puwersa ng National Capital Regional Police Office (NCRPO) at Manila Police District (MPD) ang dalawang Chinese national at isang Pinoy na nakuhanan ng tinatayang 100 gramo ng shabu sa isang buy-bust operation sa lungsod ng Maynila.

Kinilala ni NCRPO Director Nicanor Bartolome ang mga nadakip na sina Wang Ching Yan, alyas Robin Ong, 48; Yu Zang Hong, 52, kap­wa tubong-Fujian, China at Romeo Salaum Bernante, tubong Bohol at naninirahan sa Poblacion, Muntinlupa City.

Nakumpiska sa mga suspek ang 100 gramo ng hinihinalang shabu na may katumbas na halagang P400,000; tatlong cellular phones na gamit sa pakikipagtransaksyon; P8,000 halaga ng buy-bust money; isang brand new na Nissan Sentra. Ayon sa ulat, isinagawa ang buy-bust operation dakong alas-8 ng gabi sa tapat ng isang supermarket sa may Blumentritt St. cor. Dimasalang, Sta. Cruz, Maynila.

Nabatid na matagal nang isinasailalim ng RPIOU sa surveillance operation ang mga suspek dahil sa pagbebenta ng shabu.  Isang asset ng pulisya ang nakipagtransaksyon sa mga suspek kung saan naitakda ang operasyon at dito natimbog ang mga nabanggit.

Show comments