MANILA, Philippines – Dalawa katao ang nasawi makaraang tupukin ng apoy ang kanilang tinutuluyang apartment unit kahapon ng madaling-araw sa Pasig City.
Nakilala ang mga nasawi na sina Joceline Enriquez, 30; at Francine Nicole Palo, kapwa ng #433 Dr. Sixto Antonio Avenue, Brgy. Maybunga, ng naturang lungsod. Inoobserbahan naman sa pagamutan ang isa pang biktima na nakilalang si Dexter Enriquez, 40.
Sa inisyal na imbestigasyon ni FO2 Robert Maravilla, ng Pasig Fire Bureau, dakong alas-4 ng madaling-araw nang mag-umpisang sumiklab ang apoy sa loob ng inuupahang apartment unit ng mga biktima.
Dahil sa yari sa mga light materials, agad na lumaki at kumalat ang apoy sa mga katabing units at bahay sa naturang lugar. Hindi naman nakalabas sa natutupok na bahay ang dalawang nasawi na mahimbing na natutulog nang sumiklab ang apoy habang nagawang makalabas ng bahay si Dexter sa kabila ng pagkapaso at makapal na usok.
Dakong alas-5:10 na ng madaling-araw nang maapula ng mga bumbero ang naturang apoy habang patuloy naman sa imbestigasyon ang mga bumbero upang mabatid ang sanhi ng naturang sunog.